Ginanap ngayong araw, Enero 30, 2024 ang kauna-unahang Provincial Tour Guides Assembly ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Cagayan Tourism Office sa Cagayan Museum and Historical Research Center.
Kasabay rin nito ang General Meeting ng Federation of Tour Guides sa Cagayan.
Ayon kay Jenifer Junio-Baquiran ang Officer-in-charge ng Cagayan Tourism Office, mula sa 21 na miyembro ng accredited tour guides ay dumami na ito sa bilang na 127. Lahat aniya ng mga ito ay nagdaan sa pagsasanay.
Sa kanyang mensahe, inihayag ni Junio-Baquiran ang mahalagang papel ng mga tour guide sa industriya ng turismo sa pamamagitan ng kanilang pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mga turista na dumagdagsa sa lalawigan.
Aniya, patuloy ang pagsulong ni Governor Manuel Mamba sa mga programa ng turismo sa lalawigan.
Binanggit niya ang mahahalagang proyekto ng ama ng lalawigan na magbibigay-daan sa pag-unlad pa lalo ng Cagayan at ng turismo sa lalawigan lalong-lalo na ang Cagayan International Gateway Project.
Samantala, nagkaroon naman ng workshop sa mga kalahok ng aktibidad at naganap din ang eleksyon ng Provincial Tour Guides Officers.