INAGURASYON AT SEREMONYA NG PAGSASALIN NG SUPER HEALTH CENTER SA STO. NIÑO, MATAGUMPAY NA NAIDAOS || 5 Abril 2025
SANTO NIÑO, CAGAYAN — Pormal nang binuksan ang Santo Niño Super Health Center sa isang makabuluhang Inagurasyon at Turn-Over Ceremony na pinangunahan ni Senador Bong Go, Chair ng Senate Committee on Health. Sa kanyang talumpati, nagpaabot siya ng taos-pusong pasasalamat at pagpupugay sa mga healthcare workers, kasabay ng kanyang pangakong ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mga programang pangkalusugan para sa mamamayan.
Mainit naman siyang sinalubong ni Mayor Atty. Vicente G. Pagurayan, na nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat sa inisyatibong ito. Aniya, malaking ginhawa ito para sa mga taga-Santo Niño, na hindi na kailangang bumiyahe ng malayo para sa serbisyong medikal, lalo na sa oras ng pangangailangan.
Dinaluhan din ang aktibidad ng mga opisyal ng bayan, mga barangay leaders, at mga healthcare workers na siyang magiging katuwang sa pagbibigay ng serbisyong medikal sa komunidad.
Ang pagbubukas ng Super Health Center ay isang malaking hakbang patungo sa mas malawak, abot-kaya, at dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng ating mga kababayan.
