Pinangunahan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Sto. Niño ang pagdiriwang ng ika-pitong anibersaryo ng Dungao Integrated School ngayong araw. Ang okasyon ay ginanap sa Barangay Dungao at puno ng kasiyahan at makabayang mensahe mula sa mga mahahalagang panauhin.
Sa pangunahing pagtitipon, ibinahagi ni Engr. Haydee P. Catolos, Municipal Tourism Officer, ang kanyang mensahe ukol sa pinakamagandang proyekto ng paaralan – Project MUSEO (Masterpieces Unveiling the Story of Exhibited Objects), na inisyatibo ni Maam Eugene V. Panelo, Master Teacher I. Kanyang ibinahagi ang kasaysayan ng Barangay Dungao at nagbigay rin ng kaalaman hinggil sa Cultural Inventory Programa ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Naghandog rin ng pasasalamat si Vice Mayor AV Roxas Pagurayan sa mga guro, estudyante, at magulang sa kanilang walang sawang suporta at dedikasyon sa edukasyon ng kabataan ng barangay.
Ganun din, nagbigay ng inspirasyonal na mensahe si Mayor Atty. Vicente G. Pagurayan para sa lahat ng dumalo, binigyang-diin ang kahalagahan ng ganitong mga proyekto para sa komunidad.
Pinangunahan ni Vice Mayor AV Pagurayan ang ribbon cutting para sa inauguration ng Project MUSEO ni Maam Eugene V. Panelo, Master Teacher I at ng Project NOURISH (Nurturing OUtstanding Reading Interest of Students in a Hub), na proyekto naman ni Maam Paz P. Piñera, Principal II. Ang mga proyektong ito ay naglalayong pagyamanin ang galing at interes ng mga mag-aaral sa sining at pagbasa.
Ang matagumpay na pagdiriwang ito ay patunay ng di-mapapantayang suporta ng lokal na pamahalaan sa pagpapaunlad ng edukasyon at pagkilala sa kulturang lokal. Ang proyektong MUSEO at NOURISH ay inaasahang magdadala ng mas maliwanag na kinabukasan para sa mga kabataan ng Barangay Dungao.
Source: SNPIO

