21-22 MAY 2025
Matagumpay na naisagawa ang dalawang araw na Learning and Development Session noong Mayo 21–22, 2025 sa pangunguna ng Project Development Officer II (PDO II) ng Lalawigan ng Cagayan, katuwang ang Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) sa pamumuno ni Mr. Marwin Banan, ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) na pinangungunahan ni Mr. Jimmy Soliven, at ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Sto. Niño sa pamumuno ni Mr. Romel Tejada.
Ang nasabing aktibidad ay personal na dinaluhan ng ating Bise Mayor, Hon. AV Roxas Pagurayan. Sa kanyang mensahe, ay ipinaabot nya ang pasasalamat sa pamahalaang lokal ng probinsiya at hinikayat ang mga benepisyaryo na makiisa, makinig at higit sa lahat isabuhay ang mga aral na kanilang matututunan dahil ang aktibidad na ito ay naglalayong palalimin ang ating kaalaman sa pangangalaga ng kalikasan, kabuhayan at komunidad.
Dinaluhan ito ng mahigit 500 aktibong partner-beneficiaries at nakatuon ang mga talakayan sa mga estratehiyang makatutulong sa pagpapanatili ng mga proyekto ng komunidad, pagpapalalim ng partisipasyon ng mga mamamayan, at pagtataguyod ng pangmatagalang tagumpay ng mga programa. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng regular na pagsusuri at ebalwasyon ng mga proyekto bilang gabay sa pag-unlad at pagpapabuti.
Bilang bahagi ng aktibidad, nahati ang mga benepisyaryo sa siyam na samahan na siyang mangangasiwa at magpapatuloy sa mga proyekto sa kani-kanilang mga komunidad. Bawat grupo ay bumuo ng sariling organizational chart, nagtatalaga ng mga opisyal at kasapi na may malinaw na tungkulin. Nagplano rin sila ng sistematikong iskedyul para sa pag-monitor at pagpapanatili ng proyekto, kabilang na ang regular na pagbisita sa mga site at pagsubaybay sa mga gawaing tulad ng pagdidilig ng mga pananim at pagpapakain ng fingerlings kapag nailagay na sa Local Aquatic and Watershed Areas (LAWA).
Nagbigay naman si Mr. Soliven ng hands-on na pagsasanay sa tamang pangangalaga ng mga gulay, kung saan ibinahagi niya ang mga teknik at praktikal na kaalaman upang mapabuti ang kalusugan at ani ng mga pananim. Sa aktwal na monitoring ng mga taniman, ipinakita rin niya ang tamang paraan ng pagputol ng mga sirang bahagi ng halaman, ang wastong oras ng pag-aani, at iba pang mahahalagang kaalaman sa pagtatanim.
Matapos ang pagsasanay, isinagawa ang on-site monitoring at evaluation ng PDO II, kasama ang mga kinatawan mula sa OPA, PNREO, at MSWDO. Nakita sa kanilang pagbisita ang positibong resulta ng proyekto at aktibong pakikilahok ng mga komunidad, na nagpapakita ng matibay na dedikasyon tungo sa pangmatagalang pagpapanatili ng proyekto.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng patuloy na programa ng Lalawigan ng Cagayan upang palakasin ang kakayahan ng mga lokal na komunidad at tiyaking tumatagal ang benepisyo ng mga proyekto para sa mas magandang kinabukasan ng bawat mamamayan.