Isang trahedya ang naganap sa bahagi ng Chico River ngayong araw, kung saan isang lalaki ang kumpirmadong nasawi matapos malunod, habang isa pang dalagita ang kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Kinilala ang nasawing biktima na si Leonardo Nabigan, 44 taong gulang, residente ng Taguig, Metro Manila. Natagpuan siya ng pinagsanib na puwersa ng MDRRMO- Aksyon Veinte Quatro Oras (AVQO) Rescue Team at ng PNP Sto. Niño.
Nailigtas naman ang kanyang kamag-anak na si John Vindel Nabigan, 18 taong gulang, residente ng Bulacan. Siya ay agad na nabigyan ng paunang lunas sa Rural Health Unit (RHU) ng Sto. Niño.
Patuloy namang isinasagawa ang retrieval operations para matagpuan ang nawawalang si Marel Nabigan, 17 taong gulang, na residente rin ng Bulacan. Nakikipag-ugnayan na ang PNP Sto. Niño sa Philippine Coast Guard para sa mas malawak na operasyon.
Ayon sa paunang ulat, ang mga biktima ay dumalaw sa kanilang pamilya sa Brgy. Dungao at nagkayayaang maligo sa ilog sa bahagi ng Namuccayan Bridge nang mangyari ang insidente.
Paalala sa Publiko:
Pinapaalalahanan ang lahat ng mamamayan at mga bisita ng Sto. Niño na maging mapagmatyag at mag-ingat sa paglalangoy o anumang aktibidad sa mga ilog, lalo na sa mga lugar na hindi kabisado ang agos ng tubig.
Nananawagan din kami sa mga residente na malapit sa lugar na maging alerto at makipagtulungan sa mga awtoridad kung may makikitang posibleng senyales o impormasyon ukol sa nawawala pang biktima.
Ang PIO Sto. Niño ay patuloy na magbibigay ng real-time updates sa insidenteng ito.
MDRRM Office – AVQO Rescue Unit
Source: SNPIO
